Tuesday, June 3, 2008
Rep. Satur Ocampo´s Eulogy for Anakpawis Rep. Crispin B. Beltran
Eulogy for Anakpawis Rep. Crispin B. Beltran
by Bayan Muna Rep. Satur C. Ocampo
House of Representatives
My 29, 2008
Ka Osang, ang inyong mga anak, mga apo at iba pang mga kamag-anak. Ginoong Speaker, mga kasamang mambabatas dito sa Kongreso at sa Senado, mga kaibigan.
Sa nagdaang walong araw, mula ng gumulantang sa madla ang di inaasahang pagpanaw ni Kinatawang Crispin Beltran ng partidong Anakpawis bunga ng sakuna sa kanyang bahay, walang patid ang agos ng mga taong nakiramay ng personal sa kanyang pamilya at mga kasamahan.
Hindi rin mabilang ang mga taong nagpahayag, sa iba’t ibang kaparaanan, ng kanilang pagdadalamhati, pagpupugay at pagpapasalamat kay Ka Bel. Mula sa iba’t – ibang sulok ng Pilipinas, mula sa iba’t –ibang bansa sa buong daigdig, pinagpugayan si Ka Bel bilang lider manggagawa, bilang lider ng kilusang masa, bilang guro’t kasangga sa pakikibaka. Pinuri siya bilang parlyamentarista o mambabatas at bilang kaibigan, kasama at huwarang tao. Pinapatunayan lamang ng ganitong pambihirang pangyayari na sa higit na limang dekada ng buhay ni Ka Crispin Beltran, napakaraming tao sa iba’t-ibang antas ng katayuan sa lipunan, ngunit lalo’t higit sa hanay ng mga mahihirap, ang kanyang naapektuhan, naimpluwensyahan, napaliwanagan, natuwa’t napatawa at natulungan niyang maging higit na makabuluhang mamamayan.
Sa pagkalathala ng larawan sa mga pahayagan at sa telebisyon ng kanyang payak na tirahan sa Muzon, San Jose del Monte, Bulacan at ng pangyayaring nasawi siya sa pagkahulog habang sinisikap na kumpunihin ang bubong ng kanyang bahay, lalong dumami ang mga taong naapektuhan at matinding naimpluwensyahan ni Ka Crispin Beltran.
Maraming namangha at di-makapaniwala, maraming natauhan at nakonsyensya, at maraming humanga’t sumaludo kay Ka Bel. Tumambad sa kanila ang realidad na ganito pala kasimple ang pamumuhay ng isang Kongresistang manggagawa . Ganoon pala kasinop at kasipag sa kanyang bahay si Ka Bel, maging sa edad niyang 75 taon.
Mr. Speaker, distinguished colleagues, all his life, Representative Crispin Beltran struggled furiously and lived and raised a family of 10 children simply and frugally. His having been elected to this Chamber for three terms --- to the 12th, 13th and 14th Congresses – did not change his lifestyle essentially. No matter that he rode to and from this House in a borrowed SUV or van. We shall miss Representative Crispin Beltran in this Chamber – he who always appeared well-dressed. He cut a dapper figure as he stood and walked in our midst.
Laging matikas ang bihis ni Ka Bel sa kanyang Barong Tagalog, ito man ay karaniwang jusi o may kulay na itim o pula. Oo pula ang paborito niyang kulay, ang suot niya ngayon sa kanyang pagkakahimlay.
Maging sa lansangan, sa mga martsa’t rali, matikas magbihis si Ka Bel, naka t-shirt man, kamisa de chino, kamisadentro o jacket. Matikas ngunit hindi marangyang magbihis si Crsipin Beltran.
Sa wari ko’y may pinagmanahan o may pinarisan sa pagbibihis at pag-iisip si Ka Bel. Iyon ay ang yumaong si Felixberto Olalia, Sr., ang batikang unyonista at pangunahing tagapagtatag at unang taga-pangulo ng Kilusang Mayo Uno na siyang sinundan sa pamunuan ni Ka Crispin Beltran.
Matikas magbihis si Ka Bert Olalia, di lamang dahil siya’s Kapampangan, ngunit higit dahil nais niyang ipahayag sa buong mundo na kahit mahirap ang manggagawa, marunong at maingat sa pamimihis, gaano man kasimple ang pananamit. Higit dito, ayon kay Ka Bert, may dignidad ang manggagawa: iginagalang ang sariling pagkatao at hinihiling na igalang siya ng kapwa manggagawa, ng ibang tao, at maging ng kapitalista.
Hindi ba Ka Bel, iyan din ang sinasabi mo? Ang totoo, kadalasan si Ka Bel mismo ang naglalaba ng kanyang sariling damit. Siya ang namamalantsa ng kanyang pantalon at barong.
At sinong mag-aakala na sa matikas na bihis ni Ka Bel, walang laman kundi barya ang kanyang pitaka? Mula noong maupo kami nina Representative Beltran at Representative Liza Maza bilang mga Kinatawan ng Bayan Muna Party-List sa 12th Congress, di iilang beses lumapit sa akin si Ka Bel at bumulong, “Ka Satur, may dalawang daan ka ba riyan? Pahiram muna,” sabay ng marahang tawa. Nitong 14th Congress, bunga marahil ng inflation, limang daan o libo na ang panaka-nakang hinihiram ni Ka Bel.
Sa aming tatlo sa 12th Congress, sa amin anim, ang tinaguriang “Batasan 6” noong 13th Congress, at sa aming lima ngayon sa 14th Congress, si Ka Bel ang namalaging tampok na pinakapayak ang uri at antas ng pamumuhay.
Sa aming magkakasamang progresibong kinatawang Party-List ng Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela Women’s Party, huwaran si Ka Bel sa pagsunod sa pamantayang itinakda ng aming mga partido -- ang maglingkod ng matapat sa bayan, at mamuhay ng simple at marangal.
Ganyan po ang maliit naming team na progresibong party-list representatives. Wala kaming malaking ari-arian, wala kaming marangyang mga bahay. Ang ginagamit naming ay segunda-manong mga sasakyang binili o hiniram. Ilang pirasong damit pambihis ang pinagsalit-salit namin at linggu-linggo ay nilalabhan. Sa pananghalian, kasalo at kahati naming kumain ang aming mga staff sa simple at kakaunting ulam.
Sa kabila nito, sa nagdaang walong taon, kami ang pinagdiskitahan ng mga palalo sa kapangyarihan. Tinangka nilang sagkaang manalo kami sa Kongreso sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong pulitikal at kriminal. Ang aming mga lokal na lider at organisador ay dinarahas, dinudukot at pinapaslang.
Kaya po si Kasamang Crispin Beltran, sa edad na 73, ay inaresto nang walang warrant of arrest. Idinitine nang isa at kalahating taon hanggang pinawalambisa ng Korte Suprema ang pekeng kasong rebelyon laban sa aming “Batasan 6”.
Mga kasama at kaibigan, yumao si Rep. Crispin Beltran nang hindi nasindak, nanghina o yumukod sa mga nag-api sa kanya. Yumao siyang walang pusyaw ang kanyang tapang, komitment at katapatan sa bayang dalisay niyang minahal.
Walang bahid ang kanyang marangal na pangalan. Gaano man siya paulit-ulit na bansagang “manggugulo,” “komunista”, “kaaway ng estado”, mahigpit siyang niyayapos at inaangkin ng masang Pilipino bilang “bayani ng sambayanan”.
Ka Bel, dakila ka! Kaming iyong mga kasama ay hindi mamamaalam sa iyo. Ang lahat ng palalo at makitid ang isipan na umalipusta at nagpahirap sa iyo ay lalagpak sa madilim at mabahong basurahan ng kasaysayan. Subali’t ang maningning mong pangalan, ang diwa ng iyong katapatan at tapang ay sulong tatanglaw sa tatahakin naming daan; at titibok ng buong sigla sa aming mga puso, pipiglas, dadaloy sa aming mga ugat ang matimyas at marubdob mong pagmamahal sa masa at sa bayan.
Mabuhay ka, Ka Bel! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment